Tanghali. Nagising ako na nanghihina si Kajlil. Karga siya si Misis na tatlong oras na palang nagsusuka. Namumutla na ang kanyang mga labi at nanlalambot ang kanyang mga kalamnan dahil sa pagsusuka.
Hindi siya umiiyak. Parang wala ding masakit sa kanya. At kapag lumalapit ako, tumataas ang kanyang mga kamay, hudyat na nagpapakarga siya.
Pinahanda ko si Misis para pumunta kami ng hospital. Duda namin na may nasubong bagay si Kajlil na hindi napansin ni Misis.
Sa emergency ng Al-Mana Hospital dito sa Jubail, naicheck ang kanyang vital signs at sobrang dehydrated na si Kajlil ayon sa doktor. Pinatawag ang resident pediatrician para matingnan ang kalagayan ng bata.
"He should be admitted. It looks like food poisoning", ayon sa unang deskripyon ng doktor.
Sa mga tusok ng karayon na dumaan sa kanya, wala kaming narinig na iyak mula sa kanya. "He will be okay", ito ang panigurado ng doktor. Kinuhanan siya ng dugo para maeksamin kung may problema sa katawan niya. Binigyan din siya ng gamot para tumigil ang pagsusuka niya.
Ilang oras ang lumipas, nakitaan na umaayos ang kalagayan ni Kajlil. Nagsusuka pa rin siya pero hindi na siya mahina. Nagawa niyang maglakad-lakad sa hallway ng hospital. Muling bumabalik ang kulay ng kanyang labi.
Patuloy pa rin ang pagsusuka ni Kajlil taliwas sa epekto ng gamot na ibinigay ng doktor. Wala siyang lagnat. Normal din ang mga laboratory tests na ginawa sa kanya. Hindi siya nalason. Sa bawat pagsusuka niya, nanghihina siya at lagi na lang siyang nakahiga.
Kinabukasan, nagpalit ng kuwarto ang aking mag-ina. Pinauwi kasi ako dahil isang tagabantay lang ng bata ang puwedeng manatili sa ospital. Isa iyan sa batas ng hospital dito sa Saudi na sana ay baguhin. Naligo kasi sa suka si Misis at ang mga sapin sa kuwarto.
Ganoon pa rin, inoobserbahan pa rin si Kajlil. Halos nakita na namin ang mga nakaduty na mga pediatricians sa Al-Mana Hospital. Patuloy pa rin ito sa pagsusuka. Wala itong kinakain at ang dextrose lang na nakakabit sa kanya ang tanging pinanggagalingan niya ng sustansiya.
No comments:
Post a Comment