Monday, September 15, 2014

A Bad Dream Part 4

Kaya namin ito!

AGH Khobar Operating Room waiting area
Medyo masakit sa pakiramdam ng isang magulang na isasalang ang maliit pang anak sa isang operasyon. Kung maari lang sanang akuin namin ang pagkakasakit niya ay malamang ginawa na namin.

Behave siya. Wala siyang kibo noong pinahiga namin sa higaan na may gulong habang tulak ng nurse papuntang operating room. Sa pintuan, saglit kaming nagpaalam. At sa pagsara nito ay siya namang paglabas ng mga luha namin. "Take care of our baby", huling salita ni Misis sa anaesthesiologist na saglit na lumabas para magtanong kung wala bang allergy ang bata sa mga gamot.

Naghihintay kami sa labas ng Operating Room. Kung ilang oras man ang gagawing operasyon, handa kaming maghintay. Naging kalmado na rin ang aming mga damdamin at ipinagkatiwala namin ang anak namin sa kakayahan ng mga doktor.

Pagkatapos ng isang oras, bumukas ang pintuan ng kuwarto at gusto raw kaming kausapin ng doktor. Kinabahan kami habang papalapit sa pintuan. Ang mga mata namin ay lumulusot at hinahanap ang anak sa loob. "Don't worry, he is very ok. " Ipinaliwanag ng doktor sa amin na hindi pala pagpilipit ng bituka ang nangyari kundi ang tinatawag nila na "intussusception". Kailangan itong putulin. Sinabi ng doktor ang mga gagawin nilang proseso at ito'y sinang-ayunan namin. At higit sa lahat, huwag daw kaming mag-aalala dahil ang anak namin ay napakakalmado at sobrang mabait.


After the operation
Pasado alas tres ng madaling araw nang bumukas ang pintuan ng recovery room. Tapos na ang operasyon ng bata. Ibinalot ng plastic ang mga paa namin at nakasuot ng hospital gown para makapasok sa loob. Nakangiting pinuntahan ang higaan kung saan naroon si Kajlil. Nanginginig siya at may sinasambit. Gising daw siya pero nakapikit ang mga mata.

Ilang minuto lang at inilabas na si Kajlil sa recovery room. Gising nga siya dahil bumabangon kapag nakikita niya kaming mga magulang niya. Sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU), oobserbahan ang bata ng 24 oras. Pinatulog muna siya bago kami umalis ng PICU at bumalik sa Patient's Room para rin makapagpahinga.

PICU - under observation for 24 hours
Mahigit dalawang oras na tulog, ginising ko si Misis para bisitahin ulit si Kajlil sa PICU. Bumangon pa ang bata nang magising at nakita kami. Mahina pa siya pero nagagawa na niyang bumangon. Pinigilan at muli siyang pinahiga para patulugin. Ayon sa mga nurses, paminsan-minsan nagigising ang bata na parang may hinahanap. "Sleep again, mommy and daddy will come back". Iyon lang daw ang sinasabi ng mga nurses at matutulog ulit ang bata. Bumalik ulit kami sa kuwarto at iniwan siyang mahimbing na natutulog..

Alas onse ng umaga, nagising akong tumutunog ang telepono.  Matagal na siguro itong tumatawag dahil naibaba na ito ng damputin ko. Ilang minuto ay pumasok ang nurse ng PICU sa kuwarto. "Your baby is crying". Pinuntahan kaagad namin ang PICU. Gising na nga ang bata. Nang kami'y kanyang nakita, kami ay kaagad niyang nakilala. Tumataas ang kanyang mga kamay para magpakarga. Sakto lang na nandoon din si Doctor Hafeez kaya inalalayan si Misis para ito ay kanyang makarga. Noong una, natatakot kami kung paano bubuhatin ang batang may operasyon sa tiyan.

In the patient's room
Hindi na kami lumabas pa ng PICU dahil inubos na lang ang huling bote ng gamot na ikinakabit sa kanya. Lampas ala una nang inilabas namin si Kajlil sa PICU ayon na rin sa bilin ng doktor. Maayos ang kanyang kalagayan kaya maaga siyang inilipat sa kuwarto.

No comments:

Post a Comment