"Kajlil, lets go!". Hindi niya maibangon dati ang kanyang ulo ngunit bigla niya itong naiangat at siya'y kinarga ni Misis. Parang milagro na kumakaway ang bata habang sumasara ang pintuan ng elevator ng hospital. "Mamimiss ka namin. Magpagaling ka". Ang mga nurses sa hospital, nagpapaalam.
Lilipat kami ng hospital. Aalis kami papuntang Al-Khobar, isang oras pa ang biyahe. Hindi kayang operahan ng general surgeon ng hospital ang anak namin. Kailangan namin ay isang espesyalista. Pinagsabihan na kami tanghali pa lang subalit matagal pala ang proseso nito. Una, kailangang aprubahan ng surgeon at hospital na paglipatan. Kapag walang bakanteng kuwarto ang hospital, di maaring maglipat. At pangalawa, may health insurance pa na kailangan ding mag-aprub para sa bill ng paglabas namin at sa gagamiting ambulansiya. Alas otso ng gabi na kami nakaalis.
Sa loob ng ambulansiya si Kajlil. |
Dumating kami ng hospital pasado alas nuwebe ng gabi. Ang kasiglahang ipinakita ng bata ay pansamantala lang pala. Naging matamlay ulit siya at nasusuka. Ilang minuto lang ay dumating na rin si Dr. Hafeez, ang pediatric surgeon na titingin sa bata. Alam na niya ang kaso dahil nakikipagkontak sa kanya si Doctor Bashri, ang doktor sa hospital na pinanggalingan namin.
Naicheck si Kajlil ng doktor. Nagmamadali siyang pumunta sa nurse station, may kinausap. Sinabayan kami ng doktor na magpa X-ray ulit. Sa X-ray room, nasalubong namin ang isa pang lalaki at ipinakilala sa amin. Siya daw ay isang anesthesiologist. Hindi sila umalis sa X-ray Room. Binasa na kaagad ng surgeon ang resulta sa monitor at hindi na hinintay ang film.
"Your baby need an operation". Magkapareho ang resulta ng X-ray dito at sa hospital na pinanggalingan namin. "When will be the operation doc?", tanong namin. "Tomorrow morning", sagot ng doktor. Tiningnan ko ang relo, pasado alas onse. "We should make it earlier to avoid any complications."
Pinabalik kami sa kuwarto para daw makapagrelax. Naghanda rin ako dahil uuwi pa ako ng Jubail. Babalik na lang ako kinaumagahan bago ang gagawing operasyon. Tulad ng ibang hospital, iisang guardian lang ang puwedeng makasama ng batang pasyente. Binalikan namin ang doktor na abala sa nurse station. "Doc, what time is the operation tomorrow?"
"After 45 minutes", sagot ng doktor. Nagulat kami. Kaya pala pinapagalitan ng doktor ang mga nurses sa station dahil minamadali ang lahat. Pinapahanda ang Operating Room, ang antibiotics, ang dugong isasalin kung kakailanganin, at marami pang bagay na hindi namin masyadong maintindihan. Nakiusap din kami kung puwede akong manatili sa hospital. Ayaw sana pero napapayag din siya. Si Misis kasi ang nakikiusap.
Ilang minuto bago ang operation. |
No comments:
Post a Comment