AGH Khobar Operating Room waiting area |
Behave siya. Wala siyang kibo noong pinahiga namin sa higaan na may gulong habang tulak ng nurse papuntang operating room. Sa pintuan, saglit kaming nagpaalam. At sa pagsara nito ay siya namang paglabas ng mga luha namin. "Take care of our baby", huling salita ni Misis sa anaesthesiologist na saglit na lumabas para magtanong kung wala bang allergy ang bata sa mga gamot.
Naghihintay kami sa labas ng Operating Room. Kung ilang oras man ang gagawing operasyon, handa kaming maghintay. Naging kalmado na rin ang aming mga damdamin at ipinagkatiwala namin ang anak namin sa kakayahan ng mga doktor.
Pagkatapos ng isang oras, bumukas ang pintuan ng kuwarto at gusto raw kaming kausapin ng doktor. Kinabahan kami habang papalapit sa pintuan. Ang mga mata namin ay lumulusot at hinahanap ang anak sa loob. "Don't worry, he is very ok. " Ipinaliwanag ng doktor sa amin na hindi pala pagpilipit ng bituka ang nangyari kundi ang tinatawag nila na "intussusception". Kailangan itong putulin. Sinabi ng doktor ang mga gagawin nilang proseso at ito'y sinang-ayunan namin. At higit sa lahat, huwag daw kaming mag-aalala dahil ang anak namin ay napakakalmado at sobrang mabait.
After the operation |
Ilang minuto lang at inilabas na si Kajlil sa recovery room. Gising nga siya dahil bumabangon kapag nakikita niya kaming mga magulang niya. Sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU), oobserbahan ang bata ng 24 oras. Pinatulog muna siya bago kami umalis ng PICU at bumalik sa Patient's Room para rin makapagpahinga.
PICU - under observation for 24 hours |
Alas onse ng umaga, nagising akong tumutunog ang telepono. Matagal na siguro itong tumatawag dahil naibaba na ito ng damputin ko. Ilang minuto ay pumasok ang nurse ng PICU sa kuwarto. "Your baby is crying". Pinuntahan kaagad namin ang PICU. Gising na nga ang bata. Nang kami'y kanyang nakita, kami ay kaagad niyang nakilala. Tumataas ang kanyang mga kamay para magpakarga. Sakto lang na nandoon din si Doctor Hafeez kaya inalalayan si Misis para ito ay kanyang makarga. Noong una, natatakot kami kung paano bubuhatin ang batang may operasyon sa tiyan.
In the patient's room |