Thursday, December 12, 2013

Kajlil's Attitude on First Vacation

Sanay si baby na kaming tatlo lang ng mommy niya ang magkakasama. Kaya nag-aalala kami na baka maninibago at matatakot si baby sa mga taong makakasalamuha namin sa aming pagbabakasyon sa Pinas.

Isang linggo pa lang bago ng aming biyahe ay sinasabi na namin kay baby na kami ay magbabakasyon sa Pinas. Alam namin, di pa siya nakakaintindi pero wala naman sigurong masama sa ginagawa naming ito. Sana ay maging masunurin siya. Sana ay maging behave siya sa biyahe. Na sana ay huwag siyang umiyak sa eroplano at makadisturbo sa ibang pasahero. At sana ay huwag siyang matakot kapag kaharap na namin ang aming mga kapamilya.
Legs up and relax at Dammam Airport, Saudi Arabia
Tahimik at hindi kumikibo. Iyan ang kanyang ugali sa tuwing kami ay lumabas ng apartment. Iyan din ang kanyang ugali habang binabagtas namin ang highway papuntang airport. At kahit sa Dammam airport ay hindi din siya masyadong kumikibo. Siguro ay inoobserbahan niya lang ang paligid.

Isang oras bago ang departure, ay nagsimula na siya na maging makulit. Natutuwa kasi siya kapag nakikita niya ang reflection niya sa salamin. Sa airport, salamin ang dingding kaya makikita mo ang sarili lalo na sa gabi. Kaya hayun na. Naglalaro na. Hinihimas ang reflection sa dingding.
Baby on the wall!
Sa aming paglipad, mula Dammam hanggang Manila, ay hindi kami ipinahiya ni baby. Sa lahat ng bata, siya na yata yung pinakanatuwa dahil laging nakatawa. Panay din ang lingon niya sa likurang upuan dahil may isang pasahero na nilalaro siya. Maliban na lang sa naninigas ang katawan niya sa tuwing nagdedescend ang eroplano kapag malakas ang turbulence, ay wala na kaming ibang nakitang problema sa kanya. Isang beses lang siyang umiyak dahil gusto niyang dumapa kapag matulog. Medyo may kasikipan kasi ang eroplano ng PAL kaya mahirap magbago ng posisyon.

Sa aming connecting flight pauwi ng probinsiya ay wala kaming kaproble problema. Dahil natulog lang siya sa buong halos dalawang oras na biyahe papuntang Davao. Nagising lamang siya nang nagsitayuan na ang mga pasahero para lumabas ng eroplano. Siya rin ay excited lumabas!

Ang pakikipagkita namin sa aming mga kapamilya ay naging sorpresa para sa kanila. Tulad namin, iniexpect din nila na magiging matatakutin, iyakin at laging magpapakarga si baby. Ngunit kabaligtaran ang lahat!
Ready smile! with sosha (tita)
Naging positive ang feedback ng mga kapamilya kay baby. Always smiling kahit sa konting pangungulit. Hindi iyakin. Kahit sino basta gusto siyang kargahin ay sumasama. Ilang beses namin siyang iniwanan sa kanyang mga tita dahil may inasikaso kaming pareho ng mommy niya, ay hindi man lang siya naghanap ng magulang.
Having fun with cousins, twin Seri and Adi.
Good job daw si baby ang sabi ng mommy niya sa una niyang bakasyon.

Monday, December 2, 2013

Baby's Curiosity

My baby turns to a little boy.
At nine months, his commando crawl is improving. He already started lifting his whole body when he's in bed with soft pillows.


He like sodas but he's too young to take that colorful drinks. For he saw me drinking direct from can. It seems he already know how to do it. It's an empty Pepsi can!


He loves watching television. We're always fighting with him to catch his attention. As solution, we're keeping the remote control and switching off the screen.


We can't leave him or even away from our sight. He's trying tricks on his walker. Stunts are dangerous for children.


He explores everything. His curiosity is telling him to learn something.



Monday, November 4, 2013

Lessons learned from Baking

Saksi ako sa kapalpakan ng mga pastries ni Misis.

Self study sa youtube at pagbabasa ng mga recipe sa net ang ginagawa ni Misis kapag may mga pagkain na gustong lutuin. Hanggang sa ngayon, try and try pa rin si Misis, hindi pa kasi niya nasusubukan ang Barbie Cake na nirerequest ng pamangkin.

Chiffon cake daw ito. Sumobra sa baking tray. Sabog pa ang itaas.

Banana cake. Hindi ko na maalala kung ilang piraso ang sunog diyan.

Chocolate cake. First time din niya na gumawa ng icing. Walang gamit sa icing decoration kaya ipinahid na lang muna. Lamutak ang itsura.

Egg Tart. Sunog din ang iba nito. Napilitan yata si Misis na magluto, tart kasi ang paborito ko.

Medyo nag-improve na si Misis. Medyo mahirap yatang lutuin ang masarap na caramel cake na ito.

Cup cake. Nakabili na kami nang pangdesign ng icing kaya para na siyang sundae.

Malayong malayo na ang naabot ni Misis sa paggawa niya ng mga pastries. Marami na siyang natutunan, tulad na lang ng mga ratio ng mga sangkap (sugar and flour) at ang gamit ng mga baking ingredients (baking soda, powder, tartar, etc.). Sa susunod, pupuntirahin na niya ang pastry decoration.

Bilang isang hurado..tagatikim lang ako. Sa ngayon, ako at si baby muna ang suking customer ni Misis sa mga niluluto niya. At di malayong sa 1st birthday ni baby, baka ang cake na gawa ng mommy ang kanyang mahihipan.


Friday, October 11, 2013

Laking Kuwarto

May bumisita sa amin.

Kinuha ko lang ang larawan sa facebook ni Misis.  Kajlil with uncle Bryan.
Natuwa kami dahil kahit papaano ay may nakitang ibang mukha si Kajlil maliban sa aming mga magulang niya. Ngunit kabaligtaran ang naging reaksiyon ni baby.

Kapag nasa loob ng bahay ay napakaaktibo. Takbo dito takbo doon habang gamit ang walker. Umaalingawngaw ang sigaw niya sa loob ng bahay. Ngunit kapag may ibang tao, animo'y hindi mo matinag sa kinatatayuan niya. Malagkit ang tingin at noong kinuha na ni Bryan ay umakmang iiyak.

Ito rin ang naging reaksiyon niya kapag dinala namin sa labas. Ang higpit ng kapit kapag kinakarga at namamangha sa dami ng tao at mga bagay na nakikita. Animo'y takot.

Ito lamang ang unang naging reaksiyon ng isang batang laging nasa loob ng bahay at walang ibang nakikita maliban sa mga artistang nasa telebisyon. Ngunit kapag nakapag-adjust na ito at natantiyang safe naman pala sa labas ay matutunan din niyang makihalubilo.

Dahil sa pangyayari, hinahanda namin ang mga posibleng gawin sa susunod na mga araw para madalas na makakita ng ibang tao at mga bagay si baby.

1. At least once in a week, we'll have a walk outside.
2. Planning a trip to anywhere ( basta maraming tao!)
3. Upgrade our normal TFC subscription to cable with more children shows.
4. A visit to Mcdo, Herfy o Jollibee ( hindi sa pagkain kundi dahil sa palaruan!)
5. Encouraging friends to visit us.

Natutuwa ang isang bata sa mga nakikita niya, pero mas higit na natutuwa ang mga magulang niya!

Wednesday, September 25, 2013

Lipat- Gamit

Naghahakot. Nilipat. Nilinis.

Parang nadaanan ng delubyo ang bahay noong natumba ang plastic na aparador at portable na sampayan ng damit. Kailangang ilagay sa mataas na lugar ang mga kagamitan. At sinisigurado na ang mga saksakan ng mga appliances at kawad ng kuryente ay hindi maabot. Para kaming nabahaan!


Hindi pa siya gumagapang. Gumugulong pa lamang siya at ito pa lang ang mga naabot niya. Ngunit, binilhan ko siya ng walker noong isang linggo. Naiikot na niyang mag-isa ang kuwarto, sala, at kusina.


Akala namin hindi pa niya kaya ngunit malakas na pala ang mga tuhod niya!


Kitam ang ipinagbago! Sobrang haba na ang galamay niya. Ang mga pintuan ng cabinet ay hinihila. Ang mga labahan ay ikinakalat at binubuksan ang basurahan...Pakialamero na siya!

Tuesday, September 10, 2013

Munting Halakhak

Marahil magugulat ka kung isang araw ay makita mo ang mga litrato mo sa isang blog. Huwag kang mag-aalala, hindi lahat ng kuha mo ay nakapaskil. Tanging pang modelo lang na mga anggulo mo ang pinili ko. Iniingatan ko na hindi ka mapapahiya paglaki mo. Wala kang nakahubad na larawan dito. Hindi kasi mapigilan ng tatay mo ang sayang naramdaman kaya nahikayat na ibalik ang dati niyang  libangan. Ang libangan kung saan siya nagmamagaling.

Ipapaalala ko lang sa iyo, sobrang nasorpresa talaga kami ng nanay mo. Hindi namin inakala na sumama ka na pala sa aming paglisan sa Pilipinas. Mahal mo talaga ang Pilipinas dahil mas pinili mong doon magsimula ang buhay mo. Para kang pigurin na yari sa Pilipinas pero binuo sa bansang Arabyano.

Lumundag ang dugo namin sa tuwa nang kumikisay-kisay ka habang tinuturo ka ng "ultrasound". Para ka raw naglulundag sa tuwa sabi ng doktora noong una tayong pumunta sa ospital. Masyado kang aktibo kaya binigay namin ng nanay mo ang lahat na iyong kailangan. Gatas man o bitamina. Ito ay para madagdagan ang iyong lakas at di ka madaling mapagod.

Ilang buwang din tayong magkasama. Inaabangan ang paglaki mo. Saksi ako sa pagpapahirap na ginawa mo sa nanay mo habang nasa sinapupunan ka pa. Napasobra yata kami ng bitamina sa iyo. Nakiusap pa nga ako na huwag mong masyadong pahirapan ang nanay mo. Alam mo namang tayong tatlo lang ang magkakasama dito sa disyerto. Kaso madalas, hindi ka nakikinig. Kaya lagi kaming sunud-sunuran ng nanay mo.

Hanggang  sa dumating ang araw na kailangan niyo akong iwan. Hinahanda ka para masilayan mo ang mundo. Umuwi kayo ng Pilipinas para makita  ang bansa kung saan ka nabuo. Pasensiya na, wala ang tatay mo na isang OFW. Hanggang sa "facebook" lang ako, naghihintay noong paglabas mo. Isipin mo naman iyon, unang kita ko sa iyo ay nasa litrato.

Ilang buwan ang nagdaan, nagkita at nakarga na rin kita. Hindi mo pa ako kilala kaya halos magdamag kang umiyak. Nanibago o natakot ka siguro dahil may katabi na kayong mamang may bigote ng nanay mo. Ganunpaman, di man lang inabot ng isang araw ay magkasundo na tayo. At opisyal na kasama ka na sa amin ng nanay mo pabalik sa disyerto. Sa pagkakataong iyon ay may bayad ka na sa eroplano.

Ngayon, nag-uumpisa ka nang gumapang. Pumapaigtad na ang iyong puwitan at ilang buwan na lang ay papahirapan mo na kaming pareho ng nanay mo. Ilang buwan na lang maghahabol na kami sa iyo. Hindi na talaga namin mapipigilan ang iyong paglaki.

Marunong ka na ring kumilatis ng tao at nagsimula ka nang kumilala. Umiiyak ka na sa tuwing iiwanan ka. At eksperto ka na eksenang paalis at pagdating ko galing ng trabaho. Alam mo na ang tunog mula sa pagpihit at langitngit ng pintuan natin. Unti-unti nang tumatalas ang memorya mo. Alam mo na rin kung sino ang kakalabitin tuwing umaga para palitan ang animo'y sasabog mong diaper. Kalabit na hindi mo magawa sa nanay mo na napuyat sa pagpapatulog sa iyo. At sana maalala mo ang sandaling lumubo ang bibig ko sa kakapigil. Muntik na akong masuka dahil sa tapang ng amoy ng dumi mo, habang tawa nang tawa naman ang nanay mo.Tao ka na talaga at hindi ka na isang sanggol.

Kung darating ang araw na marunong ka nang magbasa, sana bigyan mo ng pansin ang pitak na ito. Ang pagpapahalagang ginagawa namin ng nanay mo sa bawat hakbang ng iyong paglaki ay makikita mo rito. Pero kailangan mo pa ng marami at maraming tulog bago darating ang araw na iyon. At marami pang beses na sasakay  tayo ng eroplano kaya huwag kang magmadali.

Sana hindi ka magbabago sa amin ng nanay mo. Sana panatilihin mo ang palaging ngumiti. Nakukumpleto kasi ang araw namin tuwing nakikita namin ang gilagid mo. Natutuwa kaming pugpugin ka ng halik at aamuyin ang mabango mong hininga. Nagkakaroon ng dagdag na sangkap ang buhay namin kapag nakikita kang masaya.

At habang maaga pa, lumundag ka na nang lumundag. Hayaan mo kaming pagpawisan ng nanay mo. Wala naman kami masyadong ehersisyo kaya puwede ng ikaw muna ang barbel namin. At saka malakas pa kami. Hindi pa kami masyadong hinihingal. Puwede pa tayong maghabulan, magkulitan o maglaro ng taguan. Masarap kasing pakinggan ang mga mumunti mong halakhak.

Nagpapasalamat kami, dahil sa iyo, marunong na kaming magtipid. Halos gamit mo lahat ang laman ng basket noong namili tayo sa SM. Mas mura kasi ang mga damit mo. Nawala na rin ang ibang pinagkakagastusang luho namin. At higit sa lahat, nag-iimpok na tayo. Kada araw ng sahod, nagkakaroon ako ng utang sa iyo gayong ako ang nagtatrabaho. Di bale, para naman ito sa kinabukasan mo.

www.saranggolablogawards.com

Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Kategoryang Blog / Sanaysay
"Liham Kapamilya"


Wednesday, September 4, 2013

Unang Subo

Maraming pagkain na gusto kong ipalasap sa kanya ngunit may pumipigil.

Ang mommy niya.

Wala munang softdrinks at juice si baby. Mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang ina ang pagkaing masyadong matamis at maalat. Ganoon din ang mga mamantikang sabaw katulad ng galing sa karneng baka.

Minsan sinubuan ko ng juice mula sa tetrapack, napagalitan ako ni Misis. Puwede raw ang juice pero iyong natural na piniga mismo galing sa prutas.

Unang pagkain niya ay nilagang pumpkin na hinaluan ng gatas niya. Masigla namang kumain kaso kakaunti pa lang. At dinurog muna ang gulay nang pino bago ipinasubo sa kanya.

Naglevel- up na pala kami ng gatas. Stage 2 na ang formula milk niya, 6 months up to 1 year. Puspusan na rin ang paglipat niya sa bote. Nawawalan na kasi ng gatas ang dede ni Misis. Sa katunayan, tuwing gabi na lamang ang scheduled breastfeeding sa kanya.

Practice. Unang pinasubo ang powdered  formula milk. 

Unang inihain. Boiled pumpkin mixed with his formula milk.
Unang subo, higop kaagad!
Ang dungis nang tingnan...
Tumigil na. Marami pang natira.
Ganito na ang mga sumunod na subuan.
Sa facial expression ng bata, malalaman na kaagad kung nagustuhan niya ang pagkain o hindi. Kaya hindi na namin pinilit noong ayaw niyang isubo at animo'y napapaitan sa boiled carrots na ginawa ni Misis.

Sa sinabawang gulay o isda naman, kinukuhanan na si baby ng parte bago lagyan ng mga pampalasa ang mga niluluto. At sinisigurado muna na talagang luto at hindi hilaw ang pagkain na ihahanda namin kay baby.

Tuesday, August 13, 2013

Umagang Nakakabeybi!

Nagsisimula ang kanyang araw sa isang ngiti.


Saglit na kakausapin at lalaruin habang nasa higaan. Bubuksan ang tabing ng bintana para kahit papaano ay masilayan man lang ang normal na liwanag ng haring araw. (Hindi puwedeng buksan ang bintana kasi papasok ang alikabok at buhangin mula sa labas).


Bubuksan ang computer na may malakas na speaker. Maliban sa tunog mula sa pagstart ng computer ay dinig niya ang mga ingay mula sa pagpindot ng keyboard. Alerto at heto na siya nakapuwesto, nakadapang nakaharap sa lugar kung saan ang susunod na palabas.Type YOUTUBE and search HOOPLA KIDZ . Mula rito aalingawngaw na ang indak at mga kantang pambata. Paborito niya ang "Old McDonald had a Farm".


Nakikipanuod na rin siya ng palabas sa TV. Yong may sayawan at kantahan katulad ng IT'S SHOWTIME. Lagi kasi naming binubuksan ang telebisyon kahit walang nanunuod. Masyadong boring ang bahay kapag walang nag-iingay! Kami na mismo ang lumalayo kay baby sa harap ng telebisyon kapag may mga eksenang hindi kagandahan. Maliban sa nakakabulahaw ang sigawan at iyakan sa mga teleserye, ay di pa maganda sa mata. Pinaplano na rin ang magpalit ng cable subscription. Iyong may pambatang palabas. May kasama na kasi kaming minor sunscriber.


Maraming nakasulat sa pader. Unang hakbang para matuto. Hindi pa namin tinuturuan ng alpabeto at pagbilang dahil baby pa siya. Patingin tingin na lang muna!

Sana tama ang ginagawa namin. Ilang buwan na panay sa loob ng kuwarto si baby. May kainitan pa sa labas. Pagkatapos ng init ay lamig. At ang hangin dito ay may kasamang alikabok o buhangin. "Looks and act  like an Arab". Sana nga! Payag na kami basta maging immune lang siya sa bago niyang kapaligiran.

Monday, July 22, 2013

INA sa mata ng isang AMA

Kada buwan, hindi nawawala ang ice cream. Nagcecelebrate kami!
Five months na siya at ang bilis ng panahon! Kung dati sobrang ingat kami kapag binubuhat siya. Inaalalayan pa ang kanyang leeg at likod. Ngunit ngayon, hinihila na lang kapag gustong kargahin kapag nasa kabilang parte siya ng kama.

Masayahing bata. Ang ngiti niya pagkagising ay nagpapahiwatig na buhay na buhay ang kamalayan niya. Ang saya pagmasdan na buhay at lumalaban kapag iyong hinahalikan at kinikiliti. Tumatawa at may reaksiyon na ito. Hindi katulad dati na nagtitiyaga lang kami sa malambot na Teddy Bears.

Namaster niya na ang magpagulong para makapagpalit ng puwesto at pumili ng matatabihan sa pagtulog. Sumasabay na rin ang kanyang mumunting daliri kapag inaawit namin at ginagawa ang "Close Open" ng palad. Madaling matuto.

 Look, Grandma...suot na ni Kajlil ang binili mong sandal!
Sa pag-aalaga ng bata, tumutulong ako. Dahil kami lang namang mag-asawa ang magkasama. Walang mga kamag-anak na hahalili sa pagbabantay. Isa pa, bilang isang tatay, mahalagang matutunan ko ito. Hindi nga lang sa lahat ng oras dahil sa trabaho.

Sa hanay ng mga kalalakihan, iniisip natin ito'y madaling gampanan ng isang babae. Minsan, nagrereklamo pa tayo, lalong lalo na pagdating galing sa trabaho, kung bakit parang walang nagawang trabaho ang mga asawa natin. Bakit hindi nakapaglinis o nakapaglaba man lang? Ang init ng ulo galing sa trabaho ay lalong nag-aalab dahil sa nadatnan sa bahay.

Hindi talaga natin ito mauunawan kung tayong mga lalaki ay hindi "hands on" sa pag-aalaga ng bata. Ano bang magagawa ni Misis, kung tulog manok ang anak mo sa umaga. Kung gusto ay laging magpakarga at makipaglaro. Papaliguan, bubusugin, lalaruin, at patutulugin. Kung ang bakanteng oras mo lamang ay magluto. Tuwing kakain naman ay may nagrereklamo dahil gusto na ulit ni baby na magpakarga. Ni maligo o umihi minsan nga ay hindi magawa.

Sa gabi naman ay hindi magawang diretso ang tulog. Dahil paminsan minsan, may baby kang inalalayan. Aayusin ang pagkakahiga o di kaya ay kukumutan. At ang pampatulog na gatas na laging hinihingi habang sinasabayan ng mga haplos sa likod.

Iyan ang ginagawa ni Misis. Hindi namin sinanay sa duyan si baby at dahil breast feed, kailangang sabayan siya sa paghiga. Kaya kadalasan at di maiwasang dalawin ng antok at nakakaidlip si Misis.

Kaya saludo ako sa mga NANAY sa sakripisyong ginawa para sa mga anak nila.

Sunday, June 23, 2013

After Three Months

Schedule namin ng immunization kanina.

Bagong Pediatrician. Isang Syrian national si Doki. Magaling, dahil hindi siya nalito sa mga dosage na naibigay na kay baby habang nasa Pinas.

Nasa Pinas, ang immunization dosage ay ibinibigay kada 6, 10, at 14 weeks. Graduate na sana si baby kung nagkataon. Samantalang dito sa Saudi ay kada 2, 4, 6 months.

Sobrang dikit ang bigayan ng vaccine sa Pinas, ang sabi ni Doki!
Tapos na ni baby ang 2nd dosage sa Pinas noong 10 weeks pa lang siya at ang next dosage ay sa pang-anim na buwan pa!

Best pic so far. Mahiyain kasi kapag alam niyang may kumukuha ng larawan.

Maraming bagong skills si baby bago tumuntong ng 4 months. ( Acquired 2 weeks before 4 months).

Una, ang dumapa. Ang bilis nang dumapa at nakakatulog na rin siya sa ganung posisyon.

Pangalawa, maingay na! Sobrang sakit sa tenga kapag nakasigaw. Lalo na sa umaga. Napakaganda ng mood niya! Nakatihaya, dadapa kahit nakapikit pa, ngingiti kahit nakapikit, didilat, tatawa, sisigaw! Ang morning wake up routine niya!

Pangatlo, bumubukas na ang kamay niya. Nakokontrol na rin niya ang kanyang mga kamay. Hindi katulad dati na di niya alam kung saan dadapo ang kanyang kamao. Umaakma na rin niyang abutin ang bibig at ilong ng kumakarga.

Pang-apat, magalaw na siya! Parang orasan sa higaan. Halos sakupin ang lahat ng lugar!

At panghuli, nagkaroon na ng ugali! Umiiyak na kapag alam niyang di siya pinapansin. Nagfinger sucking para makahugot ng atensiyon. Iyakin na! Lalong lalo na kapag inaantok.

Beating his empty milk can, para maging drummer!

May bago pala siyang kakilala sa bahay, maliban sa amin na parent niya. Tuwang tuwa siya sa sarili niya!

Mirror Reflection

Saturday, June 8, 2013

Gagapang na ba?

Hindi na namin mapipigilan ang kanyang paglaki.....




 

Bumabaligtad na. Gagapang na si baby sa susunod na mga linggo...
Pagkatapos gumapang, uupo, at tatayo!
Pag nakatayo na at kung alam na kung paano lumundag,
Puwede na mag-asawa! (Huwag naman!)

Saturday, May 18, 2013

Baby's First Flight

Maraming bagay ang aming mga natutunan at nalaman dahil sa pagsama sa aming biyahe ng 2-months old naming baby. Ang tamang tiyempo at istilo sa pagbibigay ayuda sa tawag ng pangangailangan ni baby sa  lugar at oras na iniisip naming wala sa ayos.

Naranasan naming magpalit ng diaper sa loob ng tumatakbong pampublikong sasakyan. Hindi na makapaghintay si baby na marating ang aming destinasyon. Tabi tabi na lang muna sa nakakaamoy. Kailangan kasi.

"Mahirap pala ang magbiyahe na may kasamang bata".

Sa pagpasok namin sa bawat establishment lalo na sa airport. Isang lugar lang ang agad naming hinahanap. Ang "Child Care Room" o ang "Breastfeeding Room". Ito ang lugar kung saan malayang makapagbreastfeed ang isang ina sa kanyang anak. Maari ding magpalit ng diaper dito pero depende iyan sa rules ng nangangalaga sa room. May iba kasi na hindi puwede kaya kailangan pang maghanap ng "Comfort Room" na may changing table for babies.

Dahil purong breastfeed si baby, (palyado ang training niya sa bote!) kailangan muna siyang busugin bago kami sumampa sa predeparture area. Nagagamit ang pagkabihasa sa pag-estimate ng oras na dapat tapos nang dumede si baby bago magtawag ng boarding ang ground staffs ng eroplano.


May dala din kaming gatas sa feeding bottle para pangdivert sa attention ni baby kapag naghanap ng dede nang wala pa sa tamang lugar. Kumbaga, pang-aliw lang muna!

Ang mainam na upuan sa eroplano para sa mga ina ay ang window side. Sulok kasi at madaling magkubli kapag nahihiyang magpadede na may madlang people! During take off and landing, hindi lamang sa pagkabit ng seat belt ni baby magiging busy si mommy kundi kailangan din niyang magpadede. Mas epektibo kung tuloy-tuloy ang ginagawang paglunok ni baby para maibsan ang sakit na dulot nang biglaang pagbago ng cabin pressure ng eroplano. Masakit at nabibingi ang tenga. Kahit tayong matanda na ay nakakaramdam nito, kaya siguradong doble pahirap ito para sa mga bata. Ang ginagawang paglunok o pagnguya ay malaking tulong.

Maiging yakapin nang mahigpit si baby dahil ang bawat giwang ng eroplano ay kanyang nararamdaman. Hindi rin namin natigilan ang pag-iyak ng pagkalakas lakas ni baby. Alam namin, lahat ng mga mata ng mga pasahero ay nasa amin, maliban na lang sa iilan na nakakaintindi sa kanyang kalagayan. Sa sikip ng eroplano ay nagawa pang sumayaw para lamang maibsan at mabaling ang takot na kanyang nararamdaman.

Sa tatlong beses na nagpalipat-lipat kami ng eroplano hanggang makarating sa Saudi, sa unang pagsakay lamang naging agresibo sa kanyang pakiramdam si Kajlil. Naging banayad at maayos ang huling dalawang flight namin.

Halos tulog siya sa mahabang flight na iyon. Ganunpaman, sisikapin pa rin namin na makakuha ng direct flight  sa susunod naming mga biyahe.

Thursday, April 18, 2013

Handa na ba Kami?

Isang larawan ang natanggap ko mula sa isang kaibigan. Natawa ako hindi sa litrato kundi sa mensahe na ipinaparating nito.

from: Donesa in Kuwait

Nakarelate naman kaming mag-asawa..

MOMMY: Sorry amiga, but... baby said...no chance to go to saloon without his companion...

DADDY: Sorry Promo fare, but.....baby said, no travel until he's getting 2 years old....

Siguradong marami kaming babaguhin sa aming nakasanayang buhay. Magkakaroon na ito ng kulay at lalong maging maliwanag ang bahay sa ngayong nakakakita na si baby.

 "Ang sarap gumising sa umaga tuwing pagkadilat ng mata mo ay makikita mo ang mukha ng baby mo. nakaharap at nakangiti sa iyo...".

Sa pagiging magulang, maraming bagay ang kaya at pwede pang isakripisyo para lamang sa anak. At sa mga bagay na iyan....kami'y handang handa na!





Naghihintay na ang mga kalaro ni Kajlil dito sa KSA.
(Sina Val, Sau, Pal, at Qat)

Tuesday, April 2, 2013

Gatas ng Ina sa Bote

Ang isang malusog na sanggol, kapag nagsimulang umiyak ay marahil basa o umebak. Kapag hindi naman,  ito ay gutom. Hindi mo maibabaling ang atensiyon o mapapatahan dahil di pa nakakakita at di pa marunong maglaro. Ang tanging paraan lamang ay dumede.

Sinimulan na ang "Operasyon Lipat sa Bote" ni baby. Hindi naman aalisin ang breast feeding lalo na sa gabi. Hindi maikumpara sa branded milk ang sustansiyang nakukuha ng bata mula sa gatas ng ina. Pero dapat matutunan din ni baby na dumede sa bote.

Nagpump si Misis ng gatas niya at inilagay sa feeding bottle. Ayaw dumede ng bata ngunit pilit na dumede kapag talagang gutom. Kalahati ng laman ng bote ang nasasayang dahil niluluwa. Mahirap, dahil di naman maaring panay ginugutom ang baby sa pagnanais ng magulang na dumede lamang sa bote.

"Kasalanan kasi ni Mommy." Ang sambit ni Misis.

Noong bagong silang kasi si baby, medyo malakas na sanang dumede sa bote. Dahil sa nanghinayang si Misis sa malagripong gatas, itinuloy tuloy niya ang breast feeding. Malaking kaginhawaan ang naidudulot ng breast feeding. Maliban sa nakakatipid ay nawala rin sa peligro si Misis. Marami kasing iniindang sakit ang mga nanay na di nagbreast feed. Malamang dahil namumuo ang mga gatas na dapat ay lumabas. Hindi na rin niya kailangang bumangon at magtimpla ng gatas sa kalagitnaan ng gabi. At ang mag-init ng tubig at maghugas ng mga feeding bottles.

Konserbatibo. Iyan si Misis. Pero noong umiyak si baby sa gitna ng maraming tao ay wala siyang nagawa. Nilunok ang sariling kahihiyan sa oras na nagugutom ang bata.Umupo sa isang tabi at nagpadede. Kahit sinong nanay, ayaw magpadede sa lugar na maraming tao pero hindi talaga ito maiiwasan. Mayroon naman siyang paraan na magbreast feed in public in a conservative way. Naglalagay siya ng tela na isinusukbit sa leeg niya.

Sa Pilipinas, normal lang sa atin na makakita ng ina na nagpapadede sa publiko.  "Breast Milk is still the best milk for Babies up to 2 yrs old". Suportado natin ang breast feeding sa bansa.

Inaalala namin ang aming magiging kalagayan sa susunod na mga buwan. Sa Saudi Arabia na matutunan ni baby ang gumapang. At sa bansang ito, medyo iba ang dating ng breast feeding. Hindi naman ilegal pero bilang paggalang sa konserbatibong kultura ng mga kababaihan, kailangan naming turuan si baby na maging flexible kapag gutom. Dahil hindi sa lahat ng oras ay nasa loob kami ng bahay.

Tuesday, March 19, 2013

Malakas na Bata

 Malakas si baby.

"Very good si Kajlil!"

Natanggal ang kanyang pusod pagkatapos ng isang linggo. Hindi na rin siya iyakin sa gabi. Maliban lamang kung basa at gutom. Panay siya tulog at kadalasang ginigising ng mommy niya para magpadede. Di na hinihintay na magising at umiyak.

Dalawang linggo pa lamang siya pero naibiyahe na siya sa DFA para mag-apply ng passport. Kinaya ang tatlong oras na layo at init ng siyudad. Siguro, para siyang dinuduyan habang tinatahak ang bako-bakong kalsada mula sa bayan. Walang dalang stroller kaya halos isang araw siyang karga ng mommy niya.

Di pa siya nakakakita pero sumusunod na ang mga mata niya. Nakakapag eye contact na ito kapag kinakausap. Di na rin siya umiiyak kung pinapaliguan. Araw-araw kasing naliligo dahil pawisin. Di na raw amoy baby kapag di nakapaligo.

Masusulyapan na rin si baby na nakangiti lalo na kapag natutulog. Marami na siguro siyang naipon na mga memories kaya napapanaginipan.

"One week lang naging baby si Kajlil!"

Mabilis siyang nagmature. Halos apat na kilo na ito. Malaki siya sa kanyang edad. Nakakangalay na sa kamay kapag matagal na binubuhat. At ayon sa new born pre-screening ng hospital, normal baby si Kajlil.

Malaking tulong ang maaga naming nalaman ang pagbubuntis ni Misis. Malaking tulong ang mga bitamina, ang gatas, at ang tamang pagkain kaya naging malusog at malakas si baby.

Monday, March 4, 2013

Babies Expressions

Mula sa paglabas hanggang sa mga sumunod na araw, inaalam namin kung anong mga parte ng mga katawan ni baby ang kanyang namana mula sa amin.



Nakakatuwang isipin na nagpaparamihan kami ni Misis kung sino ba ang mas higit na kawangis ng baby. Yung mga katangian na tanging kami lang ang nakakaalam. "Kapag kamukha ng kapitbahay ay ibang usapan na iyan"! Ito ay joke lang!

Malakas umiyak si baby. Nakakabulahaw ng kapitbahay. Saan pa ba magmamana? May mga pinsan siyang ganyan. Di ko alam baka ako rin nung baby pa ay ganito rin.

Nalaman kong halos lahat ay nakuha niya sa akin. Ang kasarian, hugis ng kuko, ang bibig, ang pisngi, at ang kalakihan ng butas ng ilong. Matatagal ang mga buhay namin dahil marami kaming hangin na masisinghot!

                                                             Bagong paligo si Kajlil!

Nahihirapan pa rin si Misis sa paiba ibang attitude ni baby. Araw-araw ay nag-iiba. May araw na iyakin, may araw na gusto niyang binubuhat siya, at may araw na panay tulog. Pati si Misis di pa nakakaadjust kaya laging nasa state of emergency siya. Iyong sitwasyon na kailangang bilisan ang pagliligo dahil umiiyak iyong anak mo. Iyong kailangan mong magising kahit gusto mo pang matulog dahil nagugutom ang anak. Lahat ng hirap ay mararanasan pa ni Misis dahil siya ay isang INA.