Tuesday, October 16, 2012

Incoming Dad (Week 22)

Nasaksihan ko ang kaunting mga galaw ni Kajlil. Hinahawakan ni Misis ang kamay ko habang ipinapahimas ang gumagalaw na parte ng tiyan niya.


Mahilig sa martial arts ang baby sa ganitong panahon. Nagugulat si Misis sa mga flying kick at upper cut niya! Nararamdaman ang mga paggalaw nito. Malamang nakakarinig na rin, dahil lalo siyang magalaw kapag may ingay. Tulad na lang noong nagvideoke kami sa bahay ng isa kong kasamahan sa trabaho. May kantahan, may tawanan, at may kulitan ng mga bata. Mga posibleng dahilan kung bakit siya sobrang magalaw? Gusto niya sigurong makisama sa kasayahan o diring diri siya sa mala-porselanang boses ng mga magulang niyang kumakanta.

Lalong lumaki ang tiyan niya ngayon. Halos tatlong kilo ang nadagdag sa timbang niya. Nagrereklamo na siya ng pangangalay ng balakang at mabigat na ang tiyan lalo na kapag nakahiga nang nakatihaya. Nakatigilid na siya kung bumangon sa higaan.
Binisita na rin namin ang OB gyne. Maliban sa mga vitamins ay binigyan din siya ng gamot para sa sipon. "Is the baby sleeping, Doc?" tanong ni Misis kay Dr. Ritzwana. "No, awake", sagot ng doktora. Tulad ng inaasahan, normal ang kondisyon ni baby. Magiging maayos ang pag-uwi nila sa Pinas sa susunod na buwan.

Ipinasyal ko na rin sa Misis sa Al-Khobar. Ipinakita sa kanya ang King Fahad Causeway, ang friendship bridge na nagdudugtong sa bansang Saudi Arabia at Bahrain. Dumaan na rin kami sa tabing dagat na maraming nagpipiknik na pamilya ng mga Arabo. May camel at ATV na nakita niya first time. Kahit gustong gusto niyang sumakay ay hindi maaari. Alok nang alok ang mga Arabo para sumakay ngunit sinasabihan ko na "Pregnant". Papicture na lang muna. Ito ay para mapangalagaan ang baby.




No comments:

Post a Comment