Nakapagpahinga na mula sa araw na araw na pagsususka. Lumubo na ang tiyan at di na maikukubli pa. Buntis na nga! Bumalik na ang gana niya sa pagkain kaya medyo matakaw na kami sa kanin. Kailangan ko na ring bumili ng maraming pagkain na maitago sa ref. May madalas kasing nagugutom. Healthy ang pagkain dahil halos prutas ang binibili ko at umiiwas muna sa mga pagkaing may preservatives.
Araw-araw lumalaki na si baby. Animo'y may kargang bola ng basketball si Misis.
Nakausli na yong pusod niya! Noong dalaga siya, malamang ipinagmayabang niya iyon. Tama nga iyong nabasa ko sa internet. Sa pang-apat na buwan, makikisabay na sa pagkain si baby. Ang bawat sustansiya na nakakain ng Ina ay malaking porsinyento ang napupunta sa bata. Bumalik na rin siya sa pag-inom ng gatas para sa buntis. Dati kasi nahihilo siya tuwing umiinom nito.
Nararamdaman na rin ang galaw ni baby. Nararamdaman ni Misis. Ikinukwento niya lang sa akin kasi di ko naman nararamdaman. Kinakapa ko lang at inaabangan. Kaso ayaw yatang tumadyak kapag nariyan ako. Nagagalit siguro kasi lagi kong kinakantiyawan ang bagong pigura ng nanay niya. Di bale, mag-aabang pa rin ako kung kailan niya gusto.
Ang palayaw ni Baby ay si Kajlil ( pronounced as Kalil) for "little karen angelie and james" . Ito iyong unisex na pangalan na nagustuhan namin.Maraming salamat sa mga nagbigay ng entries at congratulations kay Mother sa napakagandang pangalan na ibinigay.
No comments:
Post a Comment