Sabay kaming nanunuod ng mga palabas sa Youtube kung paano lumalaki ang isang bata sa sinapupunan. Nakakatuwang pagmasdan at lalo tuloy kaming naging excited sa susunod na medikal check up para makita na namin siya sa ultra sound.
Natapos na rin ang unang trimester niya, na ayon sa mga dalubhasa ay ang pinakamaselan na mga buwan para sa nagdadalantao. Ganunpaman, nag-iingat pa rin kami. Nagsusuka at nahihilo pa rin kasi siya ngunit di na kasing lala katulad noong nakaraang mga linggo.
Isang buwan na siyang hindi lumalabas ng bahay. Maliban sa napakainit na klima ay mas minabuting niyang nasa loob para makaiwas sa mga sakit na makukuha niya sa ibang tao tulad ng ubo at sipon. Hindi daw kasi pwedeng uminom ng gamot ang buntis. Isa yan sa mga natutunan ko. (kaya nagblog ako!) Napraning din ako sa katotohanan na hindi pala tamang magbilang gamit ang buwan sa pagbubuntis. Mas malinaw kapag lingguhan ang gamit sa pagtatanong.
May ipinagbago na ang katawan niya. Laging kantiyaw ang inaabot niya sa akin dahil lagi kong binibiro na nalolosyang na. Nagkacleavage na siya dahil lumaki ang boobs niya. Ganoon daw talaga kapag buntis ayon sa kabarkada niya. Mandidiri ka na lang daw at maawa sa sinapit ng dibdib nila kapag nabuntis. Unti unti na ring kumakapal ang bilbil niya hindi dahil sa katabaan kundi dahil nagkakalaman. Kumpirmado na talagang "B" for baby na ang laman ng tiyan niya. Dati kasi "B" for bulate ang naging rason kapag lumubo ang bilbil niya. Kaunti na lang mula sa dala niyang damit ang maisusuot niya. Yun ang mga damit na di pa niya naisusuot dati dahil malalaki. Kailangan na yata niyang magsuot ng maternity dress.
May nagbago na rin sa akin. Simula kasi noong nalaman ko na may paparating ay napakasarap magtrabaho. Parang nakadrugs sa sobrang stamina at nangangarap. Nakakaramdam din ng pagod pero madaling mapawi at laging nagmamadali. Hinihila ang paglubog ng araw para sa panibagong umaga. Iyon nga lang, umiiwas sa overtime dahil nga may pasyente akong naghihintay sa aking pag-uwi.
excited din ako para sa inyo! =)
ReplyDelete