Wednesday, August 15, 2012

Incoming Dad (Week 15)

 Pangalawang bisita namin sa isang obygyne sa Al- Mana Hospital. Nagdala ako ng camera baka sakaling makuhanan namin ng larawan ang baby sa unang pagkakataon kapag nakatapat sa ultra sound. Nagkita ulit kami ni Dra. Ritzwana, isang Indian. "The baby is jumping.." sabi ng doktora. Kumunot ang noo ko sa kakahagilap sa monitor dahil masyadong magalaw. Di ko talaga maaninag hanggang natapos ang scanning. Di man lang nakapalag ang nakatago kong camera.Tinanong ko si misis kung naaninag niya ang baby at ang sabi niya ang puso na gumagalaw lang ang namumukhaan niya. Si doktora talaga, di na naman niya ipinaliwanag sa amin kung saan doon sa monitor ang baby. Nagmamadali kasi siya kasi daming nakapila na susunod na kostumer o baka masyado lang kaming excited na makita namin ang kalagayan ng bata.
Tinanong ko rin si doktora kung safe na ba. "Where you plan to go?" Itinanong ko kung safe na para magbiyahe at ayon sa computation niya pwede kaming magbiyahe hanggang unang linggo ng December. May mga blood test pa sana pero naunsyami dahil gabi na at kailangan pang maaprove iyon ng insurance company bago gagawin.
Medyo maayos na ang kalagayan ni Misis. Di na siya masyadong nagsusuka at nahihilo katulad noong mga nakaraang buwan. Naglalaway na lang siya dahil laway lang ang inilalabas niya kapag nasusuka siya. Hindi na siya hahalik sa inidoro dahil pwede na sa lababo. Dumadami na rin ang listahan ng mga pagkaing ayaw na niyang kainin. Ayaw na niya ng ubas at sa Skyflakes dahil nakakasawa na. Nahuhumaling siya ngayon kay Boy Bawang. Hindi pa rin bumabalik ang gana niya sa pagkain kaya tiyan ko ang lumulubo dahil tagasaid at tagaubos ng mga pagkain. Marami na nga kaming itinapon na lantang prutas at panis na tinapay at ulam dahil di ko naman kayang lantakin lahat. Puro maramihan kasi ang servings dito at mahirap bumili ng tingi tingi.
Nabreak na rin niya yung mahigit na isang buwan na di nakalabas ng bahay. Nakapunta kami sa Ladies Market para bumili ng maluluwag na damit at leggings. Ang mahirap lang dito ay wala masyadong pagpipiliin kaya medyo nakakadismaya.

No comments:

Post a Comment