Tuesday, November 27, 2012

Incoming Dad (Week 28)

Mahaba ang pila sa clinic ni Dra.Castillo noong dumalaw kami. Marami na ring buntis ang nakapila sa labas.
Tinawag na si Misis. May mga katanungan si Doki kay Misis at dahil pangalawang doktor, hiningi niya ang ibang mga detalye mula sa hospital na pinanggalingan namin. Medyo hindi lang detalyado ang nadala naming mga resulta kaya medyo dismayado si Doki.
May katagalan ang check-up dito. Matagal ngunit hindi mabagal. Tama nga ang sabi nila, satisfied ang isang buntis kapag dito nagpatingin. Inisa-isa ang bawat hubog ng katawan ni Kajlil. Mula ulo hanggang paa. Nasilip rin namin ang mismong itsura niya. Gising siya at gumagalaw. At kumpirmadong lalake nga si Kajlil sa timbang na 1042 grams. Sinukat rin ang size niya at normal lang ang kanyang laki sa edad niya.
Tumagal nang mahigit kalahating oras ang check-up. Marami kaming nalaman at ipinahabol pa ni Doki ang reminder kay Misis. "Avoid salty and fatty foods". Maiiwasan kaya ang masarap na litson?

Lumubo ang tiyan ni Misis.
"Para ka nang manganganak". Ito ang sabi ni Ermat ko at ni Mother niya. Pati ang mga paa niya ay lumalaki marahil dahil sa panay lakad. Nangangalay man ang mga paa niya ay para na rin itong exercise niya. Naninibago marahil.

 
Nabilhan na rin namin ng mga gamit si Kajlil. Ang sarap mamili ng mga maliliit na shirts, short pants, padyamas, unan, caps, gloves, socks, lampin, towels, bahag. bibs, baby bottles, stroller, at marami pang iba. Magastos pero ang saya.

Monday, November 19, 2012

Escort Service


Inihatid ko siya sa airport. 
Pwedeng pumasok ang bisita hanggang sa check-in counter. Nagpaalam. Nalungkot. 
Ipinila siya sa airline check-in counter at iniabot sa airline staff ang ticket niya. 

Iniaabot ko sa staff ang dalawang tickets. Isa doon ang lihim kong itinago nang ilang linggo. Ihahatid ko siya, hindi lang sa Saudi airport. Ihahatid ko siya hanggang sa bahay namin sa Pilipinas.

Sorpresa sana ito sa kanya nung nagkataon. E kaso hindi natuloy dahil, hindi ko kayang maglihim. Dalawa lang ang naiisip ko kapag hindi ko siya maihahatid. Una, baka di niya makita ang daan sa airport dahil sa non-stop niyang pagluha. Baka lalo siyang mawala lalo't di pa niya kabisado at first time pa niyang mag-exit nang solo. At panghuli, hindi kaya ng kunsensya ko na makita siyang aalis at magbabiyahe karga ang anak ko sa sinapupunan niya. Mahihirapan siya at walang aalalay sa kanya sa mahabang biyahe. Parang napakasama ko na pagkatapos buntisin, ay pauuwiin nang ganoon na lang.

Leaving King Fahad International Airport in Dammam, KSA.

Short stop in Doha International Airport, Qatar.
Dire-diretso ang biyahe namin mula Damman hanggang sa Davao. May short stop-overs lang sa Qatar at Manila. At kahit pagod at walang mga tulog ay nagawa pang manood ng Breaking Dawn Part 2 sa SM-Davao. Isang pelikula na inaabangan at bukambibig ni Misis.

Thursday, November 15, 2012

It's a Boy no?


Naaadik kami sa larong Candy Crush Saga sa Facebook. Ganito kami ka sweet! Minsan naiwanan na iyong nilulutong ulam. Dahil nakaligtaan na may niluluto, ang sinabawan ay naging toasted. Ang sarap pa naman iyong sinabawang buntot ng baka na may puso ng saging.

Al Mana General Hospital, Jubail

Huling bisita namin kay Doktora Ritzwana. Dala na rin namin ang mga airlines medical certificates para pirmahan niya. Habang pinirmahan niya ang ang dalawang piraso ng papel, kinukuhanan naman ng assistant ni Dok ang mga vitals ni Misis at inihanda ang  pagsalang sa ultrasound para silipin si Kajlil. Tumayo na si Dok para icheck ang bata. "It's a boy no?" Biglang umangal si Misis. "Oh Doc don't tell us". "Now I'm not sure.." bawi ng doktora. "Doc, I heard it..". Sabi ko sabay tawa. Tumawa rin si doktora.
Halakhakan sa loob ng clinic. Nakalimutan ni doktora na sana ay surprise ang kasarian ni Kajlil. "Everyone is asking, that's why....i forgot", paliwanag ni doktora. Hindi na tuloy surprise ang gender ni Kajlil. Bago kami umalis ng clinic, hiningi din namin ang test results at ang expected delivery ni Misis, February 12, 2013.
 
"Lalake, masculine ang dating ni Kajlil  sa ultra sound pic niya." sabi ni Mother.
"Lalake iyan, dahil marami kang taghiyawat". In short, pumangit si Misis, sabi ng isa naming kaibigan.

May talo na naman sa pustahan!


Nakahanda na ang lahat para sa pag-uwi ni Misis. Nakahanda na ang exit reentry visa niya at ang mga dadalhing mga pasalubong. Malungkot na naman itong bahay sa mga susunod na linggo at buwan.

Thursday, November 8, 2012

Incoming Dad (Week 26)

Napaaktibo ni Kajlil sa stage na ito. Panay ang kanyang galaw lalong lalo na sa gabi. Iyong akmang matutulog na si Misis ay doon siya magigising. Malalakas na ang mga galaw na minsan nagpapatuliro kay Misis. Nakakagulat daw!
 Kinukwenta na nga namin na kapag ganitong dis oras nang gabi ang gising niya, madaling araw ito sa Pinas. Kaya maaga pa ay gising na dapat ang magbabantay.

Nagsimula na kaming mag-ipon ng mga gamit ni Kajlil. At ang una kong nabili?
Isang Soother.
Sa Pinas na kami mamimili ng mga damit at iba pa niyang pangangailangan. Target namin na bago matapos ang buwang ito ay kumpleto na ang mga gamit niya.

 White Soother ang unang gamit ni Kajlil.

Nakahanda na ang mga blankong airlines medikal certificates para sa pag-uwi ni Misis sa Pinas. Ayon sa sa travel agency, di na kailangan ang medical certificates para sa anim na buwang buntis pero mas mabuti na ang sigurado. Bibisitahin pa namin si Doktora para mapunan niya ang mga blankong certificates.

Thursday, November 1, 2012

Work Accomplishment

Animo'y pista na naman! Maraming pagkain. Busog na busog kami!  Sa kalagitnaan ng kainan ay saglit na katahimikan. May naaalala. May kulang.

Nakakamiss talaga iyong marami ang kasalo sa hapag kainan. Iyong eksenang nag-aagawan ng isang parte ng manok. Iyong eksenang kailangang may maghahati ng pagkain para equal portion ang lahat. Naaalala ang aming malaking pamilya na sabay-sabay na kumakain. Magulo ngunit masaya!

Marami akong natapos ngayong linggo. Mga bagay na dapat ipagpasalamat. Di kami nagluto kaya umorder at nagtake-out sa malapit na restaurant, ang Pansitan.

Naayos ko na ang papeles sa tinitirhan naming apartment.
Nabili ko na ang mga promised items na gusto kong ipamigay sa kapamilya.
Nagpabook ng flight para sa pag-uwi. Nakapagdesisyon na kami na sa Pinas si Misis manganganak. Posible palang pumasok ang sanggol sa bansa kahit walang visa.
Monthsary namin kahapon. (Himala, ako ang nagremind, dati akong makakalimutin!.)
Naayos ko ang busted lamp namin sa kusina.
At ngayon, isang accomplishment ang maging nominado sa isang contest.