Wednesday, September 25, 2013

Lipat- Gamit

Naghahakot. Nilipat. Nilinis.

Parang nadaanan ng delubyo ang bahay noong natumba ang plastic na aparador at portable na sampayan ng damit. Kailangang ilagay sa mataas na lugar ang mga kagamitan. At sinisigurado na ang mga saksakan ng mga appliances at kawad ng kuryente ay hindi maabot. Para kaming nabahaan!


Hindi pa siya gumagapang. Gumugulong pa lamang siya at ito pa lang ang mga naabot niya. Ngunit, binilhan ko siya ng walker noong isang linggo. Naiikot na niyang mag-isa ang kuwarto, sala, at kusina.


Akala namin hindi pa niya kaya ngunit malakas na pala ang mga tuhod niya!


Kitam ang ipinagbago! Sobrang haba na ang galamay niya. Ang mga pintuan ng cabinet ay hinihila. Ang mga labahan ay ikinakalat at binubuksan ang basurahan...Pakialamero na siya!

Tuesday, September 10, 2013

Munting Halakhak

Marahil magugulat ka kung isang araw ay makita mo ang mga litrato mo sa isang blog. Huwag kang mag-aalala, hindi lahat ng kuha mo ay nakapaskil. Tanging pang modelo lang na mga anggulo mo ang pinili ko. Iniingatan ko na hindi ka mapapahiya paglaki mo. Wala kang nakahubad na larawan dito. Hindi kasi mapigilan ng tatay mo ang sayang naramdaman kaya nahikayat na ibalik ang dati niyang  libangan. Ang libangan kung saan siya nagmamagaling.

Ipapaalala ko lang sa iyo, sobrang nasorpresa talaga kami ng nanay mo. Hindi namin inakala na sumama ka na pala sa aming paglisan sa Pilipinas. Mahal mo talaga ang Pilipinas dahil mas pinili mong doon magsimula ang buhay mo. Para kang pigurin na yari sa Pilipinas pero binuo sa bansang Arabyano.

Lumundag ang dugo namin sa tuwa nang kumikisay-kisay ka habang tinuturo ka ng "ultrasound". Para ka raw naglulundag sa tuwa sabi ng doktora noong una tayong pumunta sa ospital. Masyado kang aktibo kaya binigay namin ng nanay mo ang lahat na iyong kailangan. Gatas man o bitamina. Ito ay para madagdagan ang iyong lakas at di ka madaling mapagod.

Ilang buwang din tayong magkasama. Inaabangan ang paglaki mo. Saksi ako sa pagpapahirap na ginawa mo sa nanay mo habang nasa sinapupunan ka pa. Napasobra yata kami ng bitamina sa iyo. Nakiusap pa nga ako na huwag mong masyadong pahirapan ang nanay mo. Alam mo namang tayong tatlo lang ang magkakasama dito sa disyerto. Kaso madalas, hindi ka nakikinig. Kaya lagi kaming sunud-sunuran ng nanay mo.

Hanggang  sa dumating ang araw na kailangan niyo akong iwan. Hinahanda ka para masilayan mo ang mundo. Umuwi kayo ng Pilipinas para makita  ang bansa kung saan ka nabuo. Pasensiya na, wala ang tatay mo na isang OFW. Hanggang sa "facebook" lang ako, naghihintay noong paglabas mo. Isipin mo naman iyon, unang kita ko sa iyo ay nasa litrato.

Ilang buwan ang nagdaan, nagkita at nakarga na rin kita. Hindi mo pa ako kilala kaya halos magdamag kang umiyak. Nanibago o natakot ka siguro dahil may katabi na kayong mamang may bigote ng nanay mo. Ganunpaman, di man lang inabot ng isang araw ay magkasundo na tayo. At opisyal na kasama ka na sa amin ng nanay mo pabalik sa disyerto. Sa pagkakataong iyon ay may bayad ka na sa eroplano.

Ngayon, nag-uumpisa ka nang gumapang. Pumapaigtad na ang iyong puwitan at ilang buwan na lang ay papahirapan mo na kaming pareho ng nanay mo. Ilang buwan na lang maghahabol na kami sa iyo. Hindi na talaga namin mapipigilan ang iyong paglaki.

Marunong ka na ring kumilatis ng tao at nagsimula ka nang kumilala. Umiiyak ka na sa tuwing iiwanan ka. At eksperto ka na eksenang paalis at pagdating ko galing ng trabaho. Alam mo na ang tunog mula sa pagpihit at langitngit ng pintuan natin. Unti-unti nang tumatalas ang memorya mo. Alam mo na rin kung sino ang kakalabitin tuwing umaga para palitan ang animo'y sasabog mong diaper. Kalabit na hindi mo magawa sa nanay mo na napuyat sa pagpapatulog sa iyo. At sana maalala mo ang sandaling lumubo ang bibig ko sa kakapigil. Muntik na akong masuka dahil sa tapang ng amoy ng dumi mo, habang tawa nang tawa naman ang nanay mo.Tao ka na talaga at hindi ka na isang sanggol.

Kung darating ang araw na marunong ka nang magbasa, sana bigyan mo ng pansin ang pitak na ito. Ang pagpapahalagang ginagawa namin ng nanay mo sa bawat hakbang ng iyong paglaki ay makikita mo rito. Pero kailangan mo pa ng marami at maraming tulog bago darating ang araw na iyon. At marami pang beses na sasakay  tayo ng eroplano kaya huwag kang magmadali.

Sana hindi ka magbabago sa amin ng nanay mo. Sana panatilihin mo ang palaging ngumiti. Nakukumpleto kasi ang araw namin tuwing nakikita namin ang gilagid mo. Natutuwa kaming pugpugin ka ng halik at aamuyin ang mabango mong hininga. Nagkakaroon ng dagdag na sangkap ang buhay namin kapag nakikita kang masaya.

At habang maaga pa, lumundag ka na nang lumundag. Hayaan mo kaming pagpawisan ng nanay mo. Wala naman kami masyadong ehersisyo kaya puwede ng ikaw muna ang barbel namin. At saka malakas pa kami. Hindi pa kami masyadong hinihingal. Puwede pa tayong maghabulan, magkulitan o maglaro ng taguan. Masarap kasing pakinggan ang mga mumunti mong halakhak.

Nagpapasalamat kami, dahil sa iyo, marunong na kaming magtipid. Halos gamit mo lahat ang laman ng basket noong namili tayo sa SM. Mas mura kasi ang mga damit mo. Nawala na rin ang ibang pinagkakagastusang luho namin. At higit sa lahat, nag-iimpok na tayo. Kada araw ng sahod, nagkakaroon ako ng utang sa iyo gayong ako ang nagtatrabaho. Di bale, para naman ito sa kinabukasan mo.

www.saranggolablogawards.com

Ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Kategoryang Blog / Sanaysay
"Liham Kapamilya"


Wednesday, September 4, 2013

Unang Subo

Maraming pagkain na gusto kong ipalasap sa kanya ngunit may pumipigil.

Ang mommy niya.

Wala munang softdrinks at juice si baby. Mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang ina ang pagkaing masyadong matamis at maalat. Ganoon din ang mga mamantikang sabaw katulad ng galing sa karneng baka.

Minsan sinubuan ko ng juice mula sa tetrapack, napagalitan ako ni Misis. Puwede raw ang juice pero iyong natural na piniga mismo galing sa prutas.

Unang pagkain niya ay nilagang pumpkin na hinaluan ng gatas niya. Masigla namang kumain kaso kakaunti pa lang. At dinurog muna ang gulay nang pino bago ipinasubo sa kanya.

Naglevel- up na pala kami ng gatas. Stage 2 na ang formula milk niya, 6 months up to 1 year. Puspusan na rin ang paglipat niya sa bote. Nawawalan na kasi ng gatas ang dede ni Misis. Sa katunayan, tuwing gabi na lamang ang scheduled breastfeeding sa kanya.

Practice. Unang pinasubo ang powdered  formula milk. 

Unang inihain. Boiled pumpkin mixed with his formula milk.
Unang subo, higop kaagad!
Ang dungis nang tingnan...
Tumigil na. Marami pang natira.
Ganito na ang mga sumunod na subuan.
Sa facial expression ng bata, malalaman na kaagad kung nagustuhan niya ang pagkain o hindi. Kaya hindi na namin pinilit noong ayaw niyang isubo at animo'y napapaitan sa boiled carrots na ginawa ni Misis.

Sa sinabawang gulay o isda naman, kinukuhanan na si baby ng parte bago lagyan ng mga pampalasa ang mga niluluto. At sinisigurado muna na talagang luto at hindi hilaw ang pagkain na ihahanda namin kay baby.