Thursday, April 18, 2013

Handa na ba Kami?

Isang larawan ang natanggap ko mula sa isang kaibigan. Natawa ako hindi sa litrato kundi sa mensahe na ipinaparating nito.

from: Donesa in Kuwait

Nakarelate naman kaming mag-asawa..

MOMMY: Sorry amiga, but... baby said...no chance to go to saloon without his companion...

DADDY: Sorry Promo fare, but.....baby said, no travel until he's getting 2 years old....

Siguradong marami kaming babaguhin sa aming nakasanayang buhay. Magkakaroon na ito ng kulay at lalong maging maliwanag ang bahay sa ngayong nakakakita na si baby.

 "Ang sarap gumising sa umaga tuwing pagkadilat ng mata mo ay makikita mo ang mukha ng baby mo. nakaharap at nakangiti sa iyo...".

Sa pagiging magulang, maraming bagay ang kaya at pwede pang isakripisyo para lamang sa anak. At sa mga bagay na iyan....kami'y handang handa na!





Naghihintay na ang mga kalaro ni Kajlil dito sa KSA.
(Sina Val, Sau, Pal, at Qat)

Tuesday, April 2, 2013

Gatas ng Ina sa Bote

Ang isang malusog na sanggol, kapag nagsimulang umiyak ay marahil basa o umebak. Kapag hindi naman,  ito ay gutom. Hindi mo maibabaling ang atensiyon o mapapatahan dahil di pa nakakakita at di pa marunong maglaro. Ang tanging paraan lamang ay dumede.

Sinimulan na ang "Operasyon Lipat sa Bote" ni baby. Hindi naman aalisin ang breast feeding lalo na sa gabi. Hindi maikumpara sa branded milk ang sustansiyang nakukuha ng bata mula sa gatas ng ina. Pero dapat matutunan din ni baby na dumede sa bote.

Nagpump si Misis ng gatas niya at inilagay sa feeding bottle. Ayaw dumede ng bata ngunit pilit na dumede kapag talagang gutom. Kalahati ng laman ng bote ang nasasayang dahil niluluwa. Mahirap, dahil di naman maaring panay ginugutom ang baby sa pagnanais ng magulang na dumede lamang sa bote.

"Kasalanan kasi ni Mommy." Ang sambit ni Misis.

Noong bagong silang kasi si baby, medyo malakas na sanang dumede sa bote. Dahil sa nanghinayang si Misis sa malagripong gatas, itinuloy tuloy niya ang breast feeding. Malaking kaginhawaan ang naidudulot ng breast feeding. Maliban sa nakakatipid ay nawala rin sa peligro si Misis. Marami kasing iniindang sakit ang mga nanay na di nagbreast feed. Malamang dahil namumuo ang mga gatas na dapat ay lumabas. Hindi na rin niya kailangang bumangon at magtimpla ng gatas sa kalagitnaan ng gabi. At ang mag-init ng tubig at maghugas ng mga feeding bottles.

Konserbatibo. Iyan si Misis. Pero noong umiyak si baby sa gitna ng maraming tao ay wala siyang nagawa. Nilunok ang sariling kahihiyan sa oras na nagugutom ang bata.Umupo sa isang tabi at nagpadede. Kahit sinong nanay, ayaw magpadede sa lugar na maraming tao pero hindi talaga ito maiiwasan. Mayroon naman siyang paraan na magbreast feed in public in a conservative way. Naglalagay siya ng tela na isinusukbit sa leeg niya.

Sa Pilipinas, normal lang sa atin na makakita ng ina na nagpapadede sa publiko.  "Breast Milk is still the best milk for Babies up to 2 yrs old". Suportado natin ang breast feeding sa bansa.

Inaalala namin ang aming magiging kalagayan sa susunod na mga buwan. Sa Saudi Arabia na matutunan ni baby ang gumapang. At sa bansang ito, medyo iba ang dating ng breast feeding. Hindi naman ilegal pero bilang paggalang sa konserbatibong kultura ng mga kababaihan, kailangan naming turuan si baby na maging flexible kapag gutom. Dahil hindi sa lahat ng oras ay nasa loob kami ng bahay.