Sunday, December 28, 2014

Now He Knows His ABC

Isang taon at sampung buwan, sinasabayan ni Kajlil ang ABC song na kinakanta ng kanyang laruan. Hindi malinaw ang bigkas niya sa mga letra ngunit hindi naman ito kalayuan sa tunog. Malaking tulong ang paulit-ulit niya nang panunuod sa nursery at children songs sa Youtube. Nagulat na nga lang kami nang minsan tinuturo niya at binibigkas ang mga letra sa Alphabet Chart.


Sa aming pagbakasyon sa Pinas, dala namin ang pag-aalala na baka mapahiya lang kami. Kahit alam na niya ang alphabet song, ay di pa rin siya nakakapagsalita nang mahaba. May sinasambit siya sa tuwing nagagalit o umiiyak pero hindi namin ito maintindihan. Alam namin, matututo din siya sa tamang panahon.

"S" at "M". Sambit niya nang napadaan kami sa isang malaking department store. Malaki at may ilaw kasi ang mga letra na matatanaw sa kalayuan at kahit gabi na. Tuwang tuwa kami na sa tuwing may nadadaanan kaming karatula, pangalan ng tindahan o mga billboards ay may nasasambit siyang mga letra. Isang indikasyon na may natutunan siya, hindi lamang ang kumanta kundi ang mismong anyo at hugis ng mga malalaking titik.

Sinubukan naming iguhit ang mga letra sa lupa para makasiguro at kumpirmado ngang kilala niya ang mga malalaking letra mula A hanggang Z. Kilala na rin niya ang ibang mga numero dahil sa kakalaro niya ng Number Game na matatagpuan sa tablet ni Misis. Iba na talaga ang mga kabataan sa ngayon. Dahil sa mga makabagong kagamitan, napaaga at napalawak ang kanilang kaalaman.

Hindi kami ipinahiya ni Kajlil sa aming mga kamag-anak. At dahil mananatili siya sa Pilipinas ng ilang buwan ay mas marami pa siyang matutunan.