Wednesday, January 22, 2014

Commando to Classic Crawl in Minutes

Ika-11 na buwan na ni baby kahapon. Nakamarka na iyan sa kalendaryo. Ang petsang iyan ay Ice Cream Day. Ngunit kahapon ay di kami nakakain ng ice cream!Ito ay dahil malamig ang temperatura at baka makadagdag pa ito sa sipon at ubo namin. Nag-iiba ang klima at kailangang mag-adjust ng katawan at immunity system namin.

Celebration hindi lamang dahil monthsary ng kapanganakan ni baby ang dahilan, kundi dahil labing-isang buwan na kaming PARENTS.

Kaya siguro hindi ako maka "get over" sa nangyari. Dahil kaming magulang ang sinorpresa niya.

on Belly Crawl 
Umalis ako ng bahay dahil pupunta sa remittance center. Mataas ang palitan ng pera ngayon, masarap magpadala! (Kung sana ay maraming pera!) Sinundan ako ni baby habang mukhang basahan na ang suot na damit sa kakagapang papunta sa sinasarang pintuan. Babalik naman ako, saglit lang naman.

Pagbalik ko, "Tingnan mo si Kajlil". Tinawag ni Misis si baby mula sa kuwarto. "Kajlil, daddy's here!". Nagulat na lamang ako nang makita kong nakaangat na ang katawan at gumagapang na tuhod at kamay ang gamit.

on Classic Crawl
Ang bilis gumapang! Animo'y kabisado niya na ito nang matagal na!

May dalawang common crawl ang mga bata, ayon na rin sa aking mga nakita at pagsaliksik. Ang Belly Crawl at ang Classic Crawl. Ang Belly Crawl o Commando Crawl ay iyong istilo na ginagamit ng mga bata ang katawan sa paggapang. Yung tipong kulang na lang ay sabon at puwede na silang maglinis ng sahig. 7-months old si baby nang malaman ito.

Ang Classic Crawl naman ay iyong tuhod at kamay ang gamit. Nakaangat na ang buong katawan. Ito ang kanyang nadiskubre sa ngayon.


Malimit naming ikinukumpara ang kalagayan ng baby namin sa ibang mga bata. Dahil iniisip namin baka kinulang kami ng pagsasanay at baka napag-iwanan na si baby sa skills at development. At ito lang ang aming napansin. Ang mga bata ay hindi nagkakapareho ng progress sa paglaki. May nauuna at may nahuhuli.

Wednesday, January 15, 2014

Skills Discoveries on Vacation

Sa loob ng isang buwan, maraming skills na natutunan si baby.

Pagdating namin sa Pilipinas, nagulat na lamang kami na nakakaupo na pala siyang mag-isa. Noong umalis kasi kami ay di niya pa ito kaya. Iyon nga lang, hindi pa kami masyadong tiwala dahil minsan na out-balance pa siya.


Mga ilang araw, marunong na siyang pumalakpak. Kahit anong pagtuturo ang ginawa namin sa kanya sa Saudi, ayaw talagang maglapat ang dalawang kamay niya. Pero ngayon, nagkusa siyang pumalakpak kasabay ang pinsan niya na mas bata sa kanya ng isang buwan. Marahil, nakita niya ang pinsan na marunong ng pumalakpak.


Isa pa sa mga natutunan niya mula sa pinsan niya ay ang pagsayaw. Hindi iyong kembot kundi iyong tumatango ang ulo kapag may tugtog na naririnig. Natutuwa kami na nakikipagsabayan na rin si baby sa ibang mga bata.

At isang linggo bago ng aming flight pabalik, nagsisimula na siyang humawak sa mga bagay para paghugutan niya ng puwersa para makatayo. Nagsimula na rin siyang humakbang.

Naging hyperactive si baby habang nasa Pilipinas. Dahil siguro totoong sikat ng araw ang kanyang nasasagap tuwing umaga. Dagdag pa doon ang maraming bata na kanyang nakasalamuha. Iyon nga lang dahil sa paiba-ibang klima sa Pilipinas, ay nilagnat, nagkasipon at inubo si baby. Ito ang naging baon ni Kajlil mula sa Pilipinas kasama na rin ang nangingitim na balat dahil sa mosquito bites.

Napakabilis ng araw at heto na naman...pabalik ulit ng Saudi. Balik na ulit kami sa dating kinagawian.

At bago magbiyahe, nakipagkita muna sa mga tita para magpaalam.
 
with tita Lyn and tita Shirley in Mall of Asia