Maraming bagay ang aming mga natutunan at nalaman dahil sa pagsama sa aming biyahe ng 2-months old naming baby. Ang tamang tiyempo at istilo sa pagbibigay ayuda sa tawag ng pangangailangan ni baby sa lugar at oras na iniisip naming wala sa ayos.
Naranasan naming magpalit ng diaper sa loob ng tumatakbong pampublikong sasakyan. Hindi na makapaghintay si baby na marating ang aming destinasyon. Tabi tabi na lang muna sa nakakaamoy. Kailangan kasi.
"Mahirap pala ang magbiyahe na may kasamang bata".
Sa pagpasok namin sa bawat establishment lalo na sa airport. Isang lugar lang ang agad naming hinahanap. Ang "Child Care Room" o ang "Breastfeeding Room". Ito ang lugar kung saan malayang makapagbreastfeed ang isang ina sa kanyang anak. Maari ding magpalit ng diaper dito pero depende iyan sa rules ng nangangalaga sa room. May iba kasi na hindi puwede kaya kailangan pang maghanap ng "Comfort Room" na may changing table for babies.
Dahil purong breastfeed si baby, (palyado ang training niya sa bote!) kailangan muna siyang busugin bago kami sumampa sa predeparture area. Nagagamit ang pagkabihasa sa pag-estimate ng oras na dapat tapos nang dumede si baby bago magtawag ng boarding ang ground staffs ng eroplano.
May dala din kaming gatas sa feeding bottle para pangdivert sa attention ni baby kapag naghanap ng dede nang wala pa sa tamang lugar. Kumbaga, pang-aliw lang muna!
Ang mainam na upuan sa eroplano para sa mga ina ay ang window side. Sulok kasi at madaling magkubli kapag nahihiyang magpadede na may madlang people! During take off and landing, hindi lamang sa pagkabit ng seat belt ni baby magiging busy si mommy kundi kailangan din niyang magpadede. Mas epektibo kung tuloy-tuloy ang ginagawang paglunok ni baby para maibsan ang sakit na dulot nang biglaang pagbago ng cabin pressure ng eroplano. Masakit at nabibingi ang tenga. Kahit tayong matanda na ay nakakaramdam nito, kaya siguradong doble pahirap ito para sa mga bata. Ang ginagawang paglunok o pagnguya ay malaking tulong.
Maiging yakapin nang mahigpit si baby dahil ang bawat giwang ng eroplano ay kanyang nararamdaman. Hindi rin namin natigilan ang pag-iyak ng pagkalakas lakas ni baby. Alam namin, lahat ng mga mata ng mga pasahero ay nasa amin, maliban na lang sa iilan na nakakaintindi sa kanyang kalagayan. Sa sikip ng eroplano ay nagawa pang sumayaw para lamang maibsan at mabaling ang takot na kanyang nararamdaman.
Sa tatlong beses na nagpalipat-lipat kami ng eroplano hanggang makarating sa Saudi, sa unang pagsakay lamang naging agresibo sa kanyang pakiramdam si Kajlil. Naging banayad at maayos ang huling dalawang flight namin.
Halos tulog siya sa mahabang flight na iyon. Ganunpaman, sisikapin pa rin namin na makakuha ng direct flight sa susunod naming mga biyahe.