Wednesday, August 15, 2012

Incoming Dad (Week 15)

 Pangalawang bisita namin sa isang obygyne sa Al- Mana Hospital. Nagdala ako ng camera baka sakaling makuhanan namin ng larawan ang baby sa unang pagkakataon kapag nakatapat sa ultra sound. Nagkita ulit kami ni Dra. Ritzwana, isang Indian. "The baby is jumping.." sabi ng doktora. Kumunot ang noo ko sa kakahagilap sa monitor dahil masyadong magalaw. Di ko talaga maaninag hanggang natapos ang scanning. Di man lang nakapalag ang nakatago kong camera.Tinanong ko si misis kung naaninag niya ang baby at ang sabi niya ang puso na gumagalaw lang ang namumukhaan niya. Si doktora talaga, di na naman niya ipinaliwanag sa amin kung saan doon sa monitor ang baby. Nagmamadali kasi siya kasi daming nakapila na susunod na kostumer o baka masyado lang kaming excited na makita namin ang kalagayan ng bata.
Tinanong ko rin si doktora kung safe na ba. "Where you plan to go?" Itinanong ko kung safe na para magbiyahe at ayon sa computation niya pwede kaming magbiyahe hanggang unang linggo ng December. May mga blood test pa sana pero naunsyami dahil gabi na at kailangan pang maaprove iyon ng insurance company bago gagawin.
Medyo maayos na ang kalagayan ni Misis. Di na siya masyadong nagsusuka at nahihilo katulad noong mga nakaraang buwan. Naglalaway na lang siya dahil laway lang ang inilalabas niya kapag nasusuka siya. Hindi na siya hahalik sa inidoro dahil pwede na sa lababo. Dumadami na rin ang listahan ng mga pagkaing ayaw na niyang kainin. Ayaw na niya ng ubas at sa Skyflakes dahil nakakasawa na. Nahuhumaling siya ngayon kay Boy Bawang. Hindi pa rin bumabalik ang gana niya sa pagkain kaya tiyan ko ang lumulubo dahil tagasaid at tagaubos ng mga pagkain. Marami na nga kaming itinapon na lantang prutas at panis na tinapay at ulam dahil di ko naman kayang lantakin lahat. Puro maramihan kasi ang servings dito at mahirap bumili ng tingi tingi.
Nabreak na rin niya yung mahigit na isang buwan na di nakalabas ng bahay. Nakapunta kami sa Ladies Market para bumili ng maluluwag na damit at leggings. Ang mahirap lang dito ay wala masyadong pagpipiliin kaya medyo nakakadismaya.

Wednesday, August 1, 2012

Incoming Dad ( Week 13 )

Sabay kaming nanunuod ng mga palabas sa Youtube kung paano lumalaki ang isang bata sa sinapupunan. Nakakatuwang pagmasdan at lalo tuloy kaming naging excited sa susunod na medikal check up para makita na namin siya sa ultra sound.
Natapos na rin ang unang trimester niya, na ayon sa mga dalubhasa ay ang pinakamaselan na mga buwan para sa nagdadalantao. Ganunpaman, nag-iingat pa rin kami. Nagsusuka at nahihilo pa rin kasi siya ngunit di na kasing lala katulad noong nakaraang mga linggo.
Isang buwan na siyang hindi lumalabas ng bahay. Maliban sa napakainit na klima ay mas minabuting niyang nasa loob para makaiwas sa mga sakit na makukuha niya sa ibang tao tulad ng ubo at sipon. Hindi daw kasi pwedeng uminom ng gamot ang buntis. Isa yan sa mga natutunan ko. (kaya nagblog ako!) Napraning din ako sa katotohanan na hindi pala tamang magbilang gamit ang buwan sa pagbubuntis. Mas malinaw kapag lingguhan ang gamit sa pagtatanong.
May ipinagbago na ang katawan niya. Laging kantiyaw ang inaabot niya sa akin dahil lagi kong binibiro na nalolosyang na. Nagkacleavage na siya dahil lumaki ang boobs niya. Ganoon daw talaga kapag buntis ayon sa kabarkada niya. Mandidiri ka na lang daw at maawa sa sinapit ng dibdib nila kapag nabuntis. Unti unti na ring kumakapal ang bilbil niya hindi dahil sa katabaan kundi dahil nagkakalaman. Kumpirmado na talagang "B" for baby na ang laman ng tiyan niya. Dati kasi "B" for bulate ang naging rason kapag lumubo ang bilbil niya. Kaunti na lang mula sa dala niyang damit ang maisusuot niya. Yun ang mga damit na di pa niya naisusuot dati dahil malalaki. Kailangan na yata niyang magsuot ng maternity dress.
May nagbago na rin sa akin. Simula kasi noong nalaman ko na may paparating ay napakasarap magtrabaho. Parang nakadrugs sa sobrang stamina at nangangarap. Nakakaramdam din ng pagod pero madaling mapawi at laging nagmamadali. Hinihila ang paglubog ng araw para sa panibagong umaga. Iyon nga lang, umiiwas sa overtime dahil nga may pasyente akong naghihintay sa aking pag-uwi.